Hindi maituturing na “sabotage” ang nangyaring air traffic system glitch sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong bagong taon kung hindi kalumaan ng mga equipment ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Iyan ang pahayag ni Senator Grace Poe, kung saan base na rin sa inilabas na findings ng Department of Information and Communications Techonology (DICT) na ang actual cybersecurity ng CAAP ay weak at outdated at walang umanong naganap ng cyberattacks.
Dagdag pa ng mambabatas, kinakailangan na umanong i-upgrade ang mga equipments.
Nasaksihan din ni Poe na sa maraming taon na ang lumipas hanggang ngayon ay walang proper maintenance na isinasagawa ang third party maintenance provider.
Aniya, sila-sila lang ang nag-aayos kung sakali mang may nasira o aberya sa system at wala rin aniya ang CAAP na electrical engineer kada shift.
Posible naman ilabas na ng Senate Committee on Public Services sa susunod na linggo ang report nito tungkol sa naging pagdinig sa nangyaring aberya sa air traffic system sa NAIA noong January 1.
Ang ulat ay nakasentro sa mga natuklasan ng panel sa sanhi ng insidente, mga rekomendasyon upang malunasan ang sistema at mga posibleng pananagutan para sa kapabayaan at kawalan ng kakayahan sa pamamahala ng pagpapanatili ng sistema.
Matatandaang bukod sa senate inquiry ay personal pang nag inspeksyon ang mga senador sa CAAP.
Dapat rin aniyang bigyan ng kaalaman at kasanayan ang mga tao bawat shift kung ano ang dapat gawin kapag magkaroon na ng emergency.
Ipapanukala rin aniya ni Poe na i-exempt sa salary standardization ang mga air traffic controllers at engineers ng CAAP.
Ito ay para aniya maging mas competitive ang kanilang sweldo at maiwasan nang mapilitan silang magtrabaho sa ibang bansa dahil mas mataas ng halos sampung beses ang sweldo doon.
Iminumungkahi rin ng senadora na huwag nang ibalik sa national treasury ang anumang kikitain ng CAAP para magamit nila sa pandagdag sweldo ng kanilang mga tauhan at pambili ng mga bagong equipment.