-- Advertisements --

Nagbitiw ng isang panawagan si Philippine Coast Guard Commodore Jay Tarriela na iwasang iboto ng publiko ang mga kandidatong suportado ang China pagdating sa usapin ng West Philippine Sea.

Kung saan hinimok niya mismo ang mga botante na seguraduhing piliin at ihalal sa posisyon ng gobyerno mula sa senado, kongreso hanggang sa lokal na pamahalaan ang mga tumatakbong may paninindigang suportahan ang laban ng bansa sa naturang teritoryo nito.

‘Let this be a learning experience for us, to make sure na those people who will be elected in May are those senators, congressmen and local government executives na susuporta at titindigan ang laban ni Pangulong Bongbong Marcos pagdating sa usapin ng West Philippine Sea,’ ani Commodore Jay Tarriela, spokesperson ng Philippine Coast Guard.

Dagdag pa niya, dapat umanong suriin mabuti ng publiko ang instensyon ng bawat kandidato lalo pa’t kung ito’y nagpapanggap lamang na sinusuportahan ang bansa sa West Philippine Sea.

Aniya, mahalagang gawin ito ng isang botante sapagkat may posibilidad na marahil ang ilang tumatakbo sa eleksiyon ay sinasakyan lamang ang isyung ito na nagiging maingay sa kasalukuyan.

‘Tingnan natin isa-isa kung sino ang mga kandidato na iniendorso nila, kung sila ba ay susuporta sa laban natin sa West Philippine Sea. Magkukunyaring sumusuporta at sasakyan lamang ang isyu dahil noon hindi naman sila talaga sumusuporta, or talagang malakas ang loob nila na kampihan ang China at sabihing ang West Philippine Sea ay hindi naman talaga dapat nating isama sa usapin ng bawat Pilipino pagdating sa susunod na halalan,’ dagdag pa ni Commodore Jay Tarriela, spokesperson ng Philippine Coast Guard (PCG).

Kaugnay pa rito, iginiit naman ni Commodore Jay Tarriela na magiging mahirap sa parte ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na magkaroon ng modernisasyon at dagdag kapabilidad kung ang mananalong mga kandidato ay ang siyang humaharang sa annual budget ng sandatahan at naniniwala pa na ang pagtindig sa West Philippine Sea ay siyang hindi dapat prayoridad ng bansa.