Iginiit ng Department of Education (DepEd) na wala silang basbas at kinalaman sa itinatag ng Office of the Vice President (OVP) na Community Learning Hubs o lugar na magbibigay ng suporta sa mga estudiyante sa pamamagitan ng libreng access sa computers, gadgets, equipment, internet at tutors.
Ginawa ni Education Sec. Leonor Briones ang tugon nang hingan ng reaksyon ni Presidential Spokesman Harry Roque sa pag-anunsyo umano ni Vice President Leni Robredo na mayroon siyang proyekto sa DepEd na pinapayagan ang face-to-face classes sa anim na mag-aaral sa isang takdang pagkakataon.
Sinabi ni Sec. Briones, nag-request ang OVP ng approval ng DepEd para sa proyekto pero matapos mapag-aralan ang detalye, hindi nila ito pinayagan dahil ang polisiyang sinusunod ay wala munang face-to-face classes hangga’t walang utos si Pangulong Rodrigo Duterte para dito.
Ayon kay Sec. Briones, walang otoridad ang DepEd na baliktarin ang utos ni Pangulong Duterte lalo wala pang bakuna laban sa COVID-19.
Kaya ang ginawa umano ng OVP ay nakipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs) pero wala ring pag-apruba ng mga kinauukulang Division superintendent.