CENTRAL MINDANAO- Sinimulan na ng City Government ng Kidapawan ang unang araw ng pagpapatupad ng Community Quarantine sa lungsod laban sa posibleng pagkalat ng Corona Virus 2019.
Matatandaang nilagdaan at ipinalabas ni City Mayor Joseph Evangelista ang EO 25 s. 2020 na naglalagay sa buong lungsod sa Community Quarantine bilang pangontra sa COVID19.
Sinimulang kunin ng mga kawani ng City Health Office, kaagapay ang pulisya at militar ang mga temperatura sa katawan ng lahat ng mga motorista at pasaherong dumadaan sa mga entry points ng Kidapawan City.
Lahat ng pasahero ay pinabababa sa sasakyan at pinahihinto naman ang mga tsuper upang isa-isang makunan ng body temperature gamit ang mga thermal scanners ng City Government.
Kapag nagpositibo sa lagnat, o may temperaturang mahigit pa sa 37.5 degrees Celsius ay ilalagay ang kinunan sa isolation room saka bibigyan ng atensyong medical.
Lahat ng mga nakapilang pasahero ay nilalayo ng tig-iisang metro sa bawat isa bahagi ng social distancing upang hindi magkahawaan kung sakaling may nakitaan sa kanila ng lagnat.
Matapos ang thermal scanning ay maglalagy sa kamay ng alcohol o hand sanitizers ang lahat na inilagay ng City Government sa check points.
Yun namang mga sasakyan na pinagbabaan ng mga pasahero ay sumasailalim sa disinfection.
Kaugnay nito, lahat ng mga pampublikong sasakyan gaya ng bus, jeepney, utility vans at multicabs ay dapat magbaba ng pasahero sa mga terminal lamang.
Bawal sa kanila mag unload sa kahit saang lugar sa layuning makontrol ang pagpasok ng mga taga ibang lugar sa lungsod.
Kung sakaling maipatupad ang lockdown sa lungsod( kung may isa o dalawang nagpositibo sa COVID19 sa Kidapawan City), pagbabawalan na makapasok dito ang lahat ng pampubliko at pribadong sasakyan.
Tanging mga sasakyan na nakarehistro at pagmamay-ari ng taga Kidapawan City ang pwedeng papasukin.
Kasali din yaong mga empleyadong namamasukan sa Kidapawan City ngunit nakatira sa ibang lugar ang pagbabawalan na makapasok sa panahon ng lockdown ayon na rin sa EO 25 s. 2020.