Kasabay ng malawakang pagbabakuna laban sa tigdas sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), ipinag utos na rin ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman at CEO Richard Gordon ang pagpapaigting ng community wide vaccination education sa Mindanao.
Ayon kasi sa Department of Health (DOH), mahigit kalahati ng kaso ng tigdas na naitala sa bansa ngayong taon ay nagmula lamang sa BARMM at isa sa mga nag aambag sa pagdami ng nagkakasakit ay ang pag aatubili ng mga magulang sa bakuna ng kanilang mga anak.
Ang mga boluntaryo ng PRC sa Mindanao ay umiikot sa mga lugar na may mga megaphone upang maipalaganap ang impormasyon at mamahagi ng mas maraming materyales sa programa para sa pagpapalaganap ng kamalayan tungkol sa mga bakuna.
Nagsasagawa rin sila ng health promotions sa mga magulang.
Bukod dito, binigyang diin ng PRC chairman ang vaccination capacity ng kanilang organisasyon ay bilang suporta sa pamahalaan.
Mula Abril 1 hanggang 16, ang PRC, sa pamamagitan ng 131 vaccinators at volunteers, ay nabakunahan ang mahigit 15,651 bata, may edad na anim na buwan hanggang 10 taong gulang, sa Sulu, Tawi Tawi, Lanao del Sur, Cotabato at Basilan.
Hanggang Abril 15, naabot na ng PRC ang 83 communities para sa nasabing aktibidad.