Dismayado ang grupong lawyers for commuters safety and protection sa pagkaka reset ng pagdinig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa petisyong kumu-kwestyon sa usapin ng fare surcharge sa Transport Network Vehicle Services (TNVS).
Sinabi ni Atty. Ariel Inton, presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection, na hiniling na nila sa board na ilatag ang parameters para sa pagpapataw ng surcharge ng TNVS o ng grab.
Ayon kay Inton, gusto nilang malaman kung anong oras ba dapat magpataw ng surcharge.
Sa ngayon kasi aniya ay hindi malinaw kung anong mga oras tumataas ang singil ng TNVS.
Sa tingin kasi aniya nila ay bukas sa pang abuso ang sistemang ito kaya sumulat na sila sa LTFRB para hingan ito ng tugon.
Gayunpaman, hindi aniya natuloy ang pagdinig dahil sa umano’y pagkakalantad ng mga taga grab sa isang nagpositibo sa COVID-19 kaya naurong ito sa Enero na ng susunod na taon.
Ayon kay Inton, ngayon sana dapat matugunan ang isyung ito dahil sa ganitong panahon ng Kapaskuhan higit na nararamdaman ang fare surge.