Nakikitang tataas pa ang demand ng office space sa susunod na anim na buwan sa kabila ng pagbaba nito sa unang bahagi ng taong ito nang dahil sa Omicron surge.
Ito ay dahil sa posibilidad ng muling pagbabalik sa office set-up ng mga kumpanya sa bansa partikular na ang mga kumpanyang kabilang sa information technology-business process outsourcing (IT-BPM) sector na kasalukuyang naka-work-from-home set up nang dahil sa pandemya.
Ayon kay Leechiu Property Consultants (LPC) director for Commercial Leasing Mikko Barranda ang nasabing sector raw kasi ang may pinakamalaking demand at magpapatuloy pa aniya ito sa mga darating pa na mga taon.
Bukod dito, ipinahayag din ng Leechiu na maraming multinational companies ang nagnanais nang bumalik sa office setup dahil sa mga “security breaches”.
May iba naman anilang napapaulat na mga problema sa mga empleyado na nagbibitaw sa kanilang mga trabaho nang hindi manlang ibinabalik ang mga work-from-home equipment na ipinapahiram ng kumpanya tulad ng laptop na naglalaman ng mga kumpidensyal na impormasyon ng kumpanya.
Sa kabilang banda naman ay sinabi rin ng opisyal na may ilang mga BPO company rin ang nagsasabing handa silang mawala ang kanilang tax breakp para lamang makapagpatuloy sa remote work set-up para sa kanilang mga empleyado dahil pa rin sa pangamba ng magiging epekto sa mga ito ng mataas na singil sa produktong petrolyo.
Samantala, sinabi naman ni LPC chief executive officer David Leechiu na sa kabila raw ng anti-climantic na naranasan sa unang bahagi ng taong ito ay nananatili pa rin silang positibo na muling magbabalik ang sigla ng office market sa mga susunod na buwan ng taong ito, maliban na lamang kung makakaranas na naman ng panibagong dagok ang Pilipinas.