Karapatan umano ng mga komunidad na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro ang makatanggap ng compensation mula sa may ari ng MT Princess Empress na lumubog sa nasabing lugar.
Malaki ang naging pinsala ng oil spill sa Oriental Mindoro na naging sanhi ng pansamantalang pag tigil ng pangingisda doon at ang ilan pa ay nagkasakit.
Ayon kay Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, may karampatang batas dito dahil ito ay nagdala ng polusyon sa karagatan doon.
“The law imposes strict liability for pollution damage resulting from spills of persistent oil from tankers, and ensures compensation for those who suffer economic losses or incur costs due to the toxic discharges,” sinabi pa ni Pimentel.
Base sa Oil Pollution Compensation Law of 2007 o ang Republuc Act No. 9483, responsable ang may ari ng tankers sa naidulot nitong polusyon.
Una na dito ay ang gastos sa pagsasagawa ng clean up operations, pangalawa ay ang pinsala nitong dala sa Oriental Mindoro lalo na sa kabuhayan ng mga tao doon, sunod naman ay ang banta sa kalusugan ng mga tao sa nasabing lugar at panghuli ay ang environmental damage nito.
Kung matatandaan, ang MT Princess Empress na may dalang 800,000 liters na industrial oil ay lumubog sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28.
Halos nasa 10 munisipyo ang nasa ilalim ng state of calamity at mahigit 143,000 katao ang apektado dahil sa nasabing oil spill.