Kasalukuyang nasa restructuring process ang National Food Authority (NFA) upang matiyak na magpapatuloy ang trabaho ng kanilang mga empleyado na posibleng maapektuhan ng effectivity ng Rice Tariffication Act.
Sinabi ni NFA officer-in-charge administrator Tomas Escarez sa isang panayam na nasa humigit kumulang 400 na empleyado ng ahensya ang maapektuhan ng pagbabagong hatid ng bagong batas na ito.
Ito ay dahil sa ilalim ng implementing rules and regulations ng Rice Tariffication Law, ang regulatory power ng NFA para i-oversee at i-supervise ang domestic grain industry ay tatanggalin na sa ahensya, gayundin ang functions nito na may kaugnayan naman sa pag-aangkat ng bigas.
Ang function ngayon na tanging maiiwan sa NFA ay tiyakin na sapat ang buffer stock ng bansa sa bigas.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, tatanggalin na ang quantitative restrictions sa bigas at magpapataw na lamang ng 35-percent tariff sa mga aangkatin sa mga katabing bansa sa Southeast Asia.
Nangangahulugan lamang ito na magiging unlimited na ang importation ng bigas hanggat sa mayroong phytosanitary permit ang mga private sector trades mula sa Bureau of Plant Industry at bayaran ang 35-percent tariff sa shipments sa ibang bansa.
Samantala, tiniyak naman ni Escarez sa mga empleyado ng NFA na maapektuhan ng batas na maari silang makapag-avail ng compensation package.