-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak muli ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na babangon at mas lalago ang kalagayan ng mga residente sa Marawi City, Lanao del Sur.

Ito ay sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi maglalabas ng panibagong pondo upang magamit na pagpapagawa sa mga nasirang bahay na pagmamay-ari ng internally displaced persons (IDPs) sa loob ng most affected area sa nasabing lungsod.

Sinabi ni TFBM chairman Secretary Eduardo del Rosario sa Bombo Radyo, na bagama’t maingat sila sa pagtatrabaho subalit layunin nito na hindi pumalpak ang kautusan ng Duterte na ibangon ang Marawi City.

Inihayag ni Del Rosario na kahit ilang beses na nakaranas nang pagkaantala ang program of works sa Marawi rehab, nasa timeline pa rin sila upang tapusin ang trabaho sa itinakdang panahon.

Dagdag ng opisyal na mayroong sapat na pondo ang gobyerno na inilaan upang pasiglahin na muli ang ekonomiya ng Marawi City.

Kung maaalala, nasa P70 bilyon ang kakailanganin ng gobyerno para sa tuluyang reconstruction ng most affected area kung saan nakabase ang 24 na barangay.

Napag-alaman na labis ang pagkadismaya ng ilang Maranao IDPs sa pahayag ni Duterte na hindi ito maglalaan ng pondo para sa itatayong mga bahay nila na nasira nang pinulbos ng state forces ang grupong Maute-Islamic State of Iraq and Syria noong 2017.