Kumbensido ang pamunuan ng Department of Agriculture na tataas pa ang bilang ng mga pork producer at retailers na tatalima sa pagpapatupad ng Maximum Suggested Retail Price para sa karneng baboy.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Arnel de Mesa, sa ngayon ay aabot na sa kabuuang 88% ang compliance level ng mga pork producer habang nasa 40% naman sa mga retailers.
Aniya, patuloy ang kanilang ginagawang pagbabantay sa mga trader, producer at retailer ng naturang produkto.
Layon ng hakbang na ito na tiyakin ang abot kayang presyo ng karneng baboy sa mga pamilihan.
Maglalatag rin sila ng isang card na makatutulong upang matukoy ang mga pinanggagalingan ng mga baboy na ibinebenta sa merkado.
Nagbabala naman si de Mesa sa mga trader na hindi tatalima sa MSRP.
Sa sandaling mapatunayan na hindi ito sumusunod ay maaaring mag resulta ito sa pagbawi ng kanilang mga shipping permit.
Binabantayan rin ng ahensya ang mga pamilihan kung saan mataas ang presyo sa kada kilo ng baboy sa Metro Manila.
Kinabibilangan ito ng Pritil Market, Trabajo Market Manila at maging ang Cartimar Market sa lungsod ng Pasay.