-- Advertisements --

Isinailalim na sa state of calamity ang Passi City na component city sa lalawigan ng Iloilo kasunod ng matinding epekto ng pagbaha dala ng low pressure area.

Sa pagpulong ni City Mayor Atty. Stephen Palmares sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, isinagawa ang assessment sa pinsala ng flashfloods na siyang kasunod ng halos dalawang araw na walang tigil na ulan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Palmares, sinabi nitong 32 sa 51 na mga barangay sa naturang lungsod ang apektado.

Nasa 3,000 pamilya rin ang inilikas na katumbas ng tinatayang 7,000 mga indibidwal.

Sa ngayon nagpapatuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga residente na nasa evacuation centers.

Samantala, nananatiling suspendido ang klase ng mga mag-aaral sa Iloilo City mula pre-school hanggang senior-high school dahil sa masamang panahon.

Sa Iloilo Province, iilang bayan rin ang nag-deklara ng suspension of classes ngayong Byernes kasama na ang Pototan, Passi City, Bingawan, Zarraga, Dumangas, Barotac Nuevo, Balasan, at Dueñas.