Aksidenteng natuklasan ng team ng mga researchers ang isang compound na nakukuha mula sa pandan na may kapasidad umano upang labanan ang mga sakit sa baga lalo na ang tuberculosis.
Ayon sa Department of Science and Technology (DOST), nadiskubre ng team ni Dr. Maribel Nonato na ang “Pandan Mabango” na isang klase ng pandan na kadalasang ginagamit bilang isang sangkap sa pagluluto, “ay may slight antitubercular, antimicrobial (for select microorganisms) and antioxidant properties”.
Ang pandan ay isang halamang tropikal na kilala sa mabango nitong dahon at karaniwang ginagamit sa pagluluto dito sa Pilipinas.
Dahil umaabot sa mahigit 700 ang uri ng pandan, itutuon ni Dr. Nonato at ng kanyang team ang focus sa mas masusing pag-aaral sa mga “endemic species” sa bansa para sa kanilang medicinal properties.
Sinabi ni Dr. Nonato na ang pandan ay ginagamit bilang diuretic, anti-inflammatory, at pampababa ng blood sugar.
Dagdag nito, madalas na ginagawang tsaa ang pandan para gawing health drink.
Gayunman, inihayag nito na bagama’t ligtas inumin ang pandan at madaling ihanda sa pamamagitan ng pagpapakulo ng dahon nito, tanging ang diuretic properties lamang nito ang maaaring ma-extract.
Pero kung gagamitin ang pandan juice bilang lunas sa ibang mga sakit, nilinaw ni Dr. Nonato na kinakailangan pa nitong dumaan sa kinakailangang proseso.