VIGAN CITY – Hindi pa umano maisasagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pati na ng regional and provincial DRRMC ang comprehensive damage assessment sa Itbayat, Batanes dahil sa mga aftershocks o pagyanig na patuloy na nararamdaman sa lugar.
Ito ay matapos ang ilang araw mula nang mangyari ang magkasunod na malakas na paglindol sa lugar noong madaling araw ng Sabado, July 27.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC- Office of the Civil Defense spokesman Mark Timbal na ang tanging naisasagawa pa lamang umano sa Itbayat ay ang rapid damage assessment o ang agarang pagbibigay ng tulong sa mga residenteng apektado ng lindol.
Ang magiging resulta umano ng comprehensive damage assessment ang magdidikta sa magiging takbo ng recovery at rehabilitation process sa lugar.
Tiniyak naman ni Timbal na kung magsisimula na umano ang recovery at rehabilitation sa lugar ay kaya naman umano ito ng regional at provincial DRRMC sa tulong ng provincial government ng Batanes at ng municipal government ng Itbayat.
Ngunit, naka-antabay naman umano ang NDRRMC kung sakali mang makita nilang kailanganin ng mga local DRRMC unit at LGU ang kanilang tulong.