-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Sherwin Gatchalian na tuluyan nang ibasura ang ipinatutupad ngayon ng Department of Education (DepEd) na comprehensive sexuality education program. 

Kaugnay ito sa napansing kalituhan ni Gatchalian sa pagbabasehan ng mga ituturo sa mga estudyante pagdating sa usapin ng sex education na nakapaloob sa Department Order 31.

Ayon sa senador, dapat ng palitan ang CSE program ng reproductive health education dahil na rin sa umiiral na Reproductive Health Law. 

Dapat kanselahin ng kagawaran ng edukasyon ang umiiral ngayon na DO 31 at dapat na maglabas ng bagong kautusan na iniimplementa ang reproductive health education sa halip na ang comprehensive sexuality education. 

Ito aniya ay mas madali nang maipatutupad dahil hasa na ang mga guro sa pagtuturo ng sex education. 

Naniniwala naman si Gatchalian na sapat na ang reproductive health law upang tugunan ang tumataas na bilang ng nabubuntis sa murang edad. 

Una nang Iginiit ni Senadora Risa Hontiveros na kulang pa ang pagpapatupad ng responsible parenthood law para mapigilan at mapababa ang kaso ng teenage pregnancy sa bansa. 

naniniwala ang senadora na ang kanyang isinusulong na prevention of adolescent pregnancy bill ay makatutulong upang punan ang kulang sa umiiral na batas para labanan ang childhood pregnancies.