Kinatigan ng Sandiganbayan ang compromise agreement sa pagitan ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) at mga tagapagmana ng umano’y malapit na kaibigan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. na si yumaong Roman Cruz Jr.
Nagsilbi si Cruz bilang president at general manager ng Government Service Insurance System (GSIS).
Batay sa walong pahina nang resolusyon na may petsang Nobyembre 19, 2024, pinaburan ng Sandiganbayan Second Division ang Joint Omnibus Motion na mismong inihain ng PCGG at mga tagapagmana ni Cruz.
Nakasaad sa mosyon na hindi na maghahain ng civil cases ang gobyerno laban kay Cruz.
Kapalit nito, kailangang ibalik ng mga tagapagmana ni Cruz ang ilang ari-arian, stocks share at iba pang pag-aari sa gobyerno.
Kung maaalala, naghain ng kaso ang PCGG sa anti-graft court noong July 21, 1987 na kung saan , hiniling nito na mabawi ang P276 million na halaga ng pera at ari-arian na umanoy nakuha ni Cruz sa loob ng 20 taon na panunungkulan ni Marcos Sr. bilang pangulo ng bansa.
Wala namang naging pagtutol ang mga naging tagapagmana ni Cruz sa naging desisyon.