-- Advertisements --

VIGAN CITY – Wala pang ipinapalabas na halaga o computed damages ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) hinggil sa mga nasira dahil sa malakas na lindol na nangyari sa Davao del Sur nitong nakaraan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan kay NDRRMC- Office of the Civil Defense (OCD) spokesman Mark Timbal, sinabi nitong patuloy pa ang kanilang isinasagawang damage assessment sa mga napinsala ng lindol kaya wala pang naipapalabas na inisyal na halaga ng mga napinsalang istruktura at iba pa.

Ngunit, ipinaliwanag ni Timbal na sa ngayon, tukoy na kung ilang mga istruktura ang nasira at napinsala dahil sa lindol.

Kabilang umano sa mga nasira ng lindol ay 41 public structures- 9 na totally damaged at 32 partially damaged ngunit pag-aaralan pa ng mga engineers na nasa ground kung maaari pang ayusin at mapakinabangan ang mga ito.

Marami rin umanong mga kabahayang nasira na aabot sa higit 1,000 lalo na sa Region 11 at Region 12, maliban pa sa 128 paaralan at 19 na health facilities, kabilang ang ilang ospital, clinics at health centers.