GENERAL SANTOS CITY – Walang kasiguruhan ang pulisya kung bihasa o bagito sa paghawak ng baril ang mga suspek na nagpulanan ng putok ang himpilan ng Bombo Radyo GenSan.
Ito ang sinabi ni PNP city director Col. Aden Lagradante matapos tumama sa bubungan ang mga punglo habang ang isa ay tumagos hanggang sa recording room.
Ayon kay Lagradante, malakas ang takbo ng sasakyan kaya walang kontrol ang triggerman subalit sinisiguro lamang na matamaan ang kanilang target ang buong building ng Bombo GenSan.
Nagpasalamat din ang opisyal na walang tinamaan sa mga kawani ng himpilan.
Sa ngayon nagpatuloy naman ang kanilang pursuit operation para matukoy ang mga suspek na gumamit ng pulang sasakyan.
Ang pagkakaroon umano ng progress para tipunin ang lahat ng ebidensya pati description ng sasakyan ang kanilang target para matumbok kaagad ang mga responsable.
Nagpasalamat din ang opisyal sa tulong ng mga NGOs na nagbigay ng kopya ng kanilang footage para magamit sa ginagawang imbestigasyon.
Una nang iniutos ni Brig. Gen. Eliseo Rasco at Col. Lagradante ang paglagay ng pulisya sa Bombo Radyo GenSan station para magbigay ng seguridad sa mga kawani nito.