ILOILO CITY – Dinaluhan ng daan-daang mga tao mula sa cause-oriented, religious, transport groups, at academe ang isinagawang condemnation rally sa kontrobersyal na P680-million na Ungka flyover.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Pavia, Iloilo Sangguniang Bayan Member Jose Maria ‘Pyt’ Trimañez na siyang chairman ng Committee on Transportation sa municipal council ng Pavia, sinabi nito na layunin ng condemnation rally na mapa-abot sa mga national officials ang binansagang “broad daylight” robbery ng Department of Public Works and Highways 6 at ng contractor na International Builders Corporation.
Aniya, marami ang nagsuporta sa condemnation rally upang matuldukan na ang problema at mabigyan ng hustisya ang milyon-milyong pesos na ginastos ng gobyerno para sa palpak na flyover.
Aasahan naman na masusundan pa ang condemnation rally hangga’t maka-abot kay President Ferdinand Marcos, Jr., sa senado, sa House of Representatives, at maging sa mga local officials.
Matandaan na hanggang sa ngayon, hindi pa ulit nagagamit ang flyover dahil sa vertical displacement sa lahat ng piers nito.
Ayon sa third party consultant na binayaran ng P13 million upang imbestigahan ang flyover, aabot sa P250 million ang kakailangin para sa rectification ng istruktura.
May inahain ng resolution ang Ilonggo lawmaker na si Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel sa House of Representatives upang imbestigahan ang issue sa flyover.
Ang municipal council naman ng Pavia, Iloilo ang magpapasa rin ng resolution na nananawagan sa Senado na magsagawa ng legislative inquiry in aid of legislation.
Magsasampa naman ng kaso si Iloilo City Councilor Plaridel Nava laban sa contractor at mga opisyal ng Department of Public Works and Highways.
Samtala, susulat rin si Msgr. Meliton Oso, director ng Jaro Archdiocesan Social Action Center, sa Office of the Ombudsman na nananawagan ng motu propio investigation sa kontrobersyal na flyover.