Ikinatuwa ni Barangay Ginebra coach Tim Cone ang pasya ni big man Greg Slaughter na magpakumbaba at buksang muli ang linya ng komunikasyon sa pagitan nila ng pamunuan ng koponan.
Ayon kay Cone, umaasa ito na ang paghingi ng paumanhin ni Slaughter sa liderato ng franchise ay magbibigay-daan para sa mas pinagandang ugnayan sa pagitan ng 7-foot center at sa top management ng Gin Kings.
“I’m happy that he is communicating with management and I’m looking forward to him returning to the team,” wika ni Cone.
Kamakailan nang maglabas ng statement sa kanyang social media account si Slaughter kung saan inihayag nito ang kanyang intensyon na muling sumali sa Kings matapos na hindi maglaro ng isang buong season nang mapaso ang kanyang kontrata sa Ginebra.
“My only regret is that the communication between myself and management, particularly Boss RSA and Coach @alfrancischua, did not go smoothly as I would have wanted. I want to apologize to them and the rest of management for any misunderstanding or bad feelings that may have occurred because of my decision,” bahagi ng post ni Slaughter.
Sa kabila rin aniya ng kanyang pagliban, pinanatili ni Slaughter na malusog ang kanyang pangangatawan at tinrabaho niya raw ang kanyang self-improvement.
Sinabi ni Cone, excited na rin daw siya na makita ang pagbabago sa paglalaro ni Slaughter.
“I know he has worked hard on his game during the pandemic and I’m excited to see the changes,” anang coach.