-- Advertisements --

Ipinaliwanag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone ang rason sa pagkuha sa anim na mga players ng Barangay Ginebra na kabilang sa 15-man pool ng national team para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.

Bago ito, inanunsyo ni Cone at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na isasama sa Gilas team ang core players ng Gin Kings na sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Japeth Aguilar, Greg Slaughter at Art dela Cruz.

Ayon kay Cone, familiarity ang magiging sandalan nila lalo pa’t maikling panahon lamang ang nakalaan para sa kanilang preparasyon.

Kasama rin sa line-up sina Jayson Castro, RR Pogoy at Troy Rosario ng TNT; June Mar Fajardo, Christian Standhardinger; Chris Ross at Marcio Lassiter ng San Miguel; Matthew Wright ng Phoenix; at Vic Manuel ng Alaska.

Kapansin-pansin naman ang hindi pagkakasama ng mga rookie guards na sina Robert Bolick at CJ Perez, na kapwa nagpabilib sa kanilang mga performance sa 2019 FIBA World Cup.

Pero paliwanag ng two-time Grand Slam coach, puro mga beterano ang kanilang kinuha para mas mabilis matuto sa loob lamang ng maigsing panahon.

Hindi rin aniya nila natalakay ng SBP ang isyu kay Andray Blatche at ang pagdadagdag ng isang naturalized player.

Kumpiyansa si Cone na ito ang pinakamainam na koponan na maaaring isalang sa regional showdown.

“It’s just about finding the balance in terms of position and trying to fit all the pieces of the puzzle together. That’s what we were trying to do with this list. We didn’t go for all shooters, or all power players, or all slashers. We’re trying to find a balance in which we could show different lineups so if we wanna play big, we can play big. If we wanna play small, we can play small. We can play across the board,” ani Cone.

Samantala, isiniwalat naman ni SBP President Al Panlilio na maliban kina Perez at Bolick, babandera sa Gilas pool para sa 3×3 competition sina Anthony Semerad Chris Newsome, Terrence Romeo, Ian Sangalang, Mac Belo, Chris Banchero, Raymond Almazan, Jason Perkins, Mo Tautuaa at Baser Amer.

Katwiran ni Panlilio, napagpasyahan daw nilang puro PBA players ang isabak at hindi ang mga mula sa Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 league dahil sa pressure na kailangang magwagi ng gintong medalya.