-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Philippine Drugs Enforcement Agency (PDEA-10) na hindi na magagamit pa ang nasa 88,000 kilograms ng shabu ingredient making chemical na nakumpiska ng Bureau of Customs na unang ipinuslit ng Juchem Enterprises mula India papasok sa Mindanao Container Terminal ng Tagoloan,Misamis Oriental.

Ito ang inihayag sa Bombo Radyo ni PDEA regional director Emerson Rosales matapos ang pormal na pagturn-over ni Mindanao Container Terminal collector John Simon sa 320 plastic drums ng hydrochloric acid na pangunahing sangkap paggawa ng drogang shabu sa kanyang tanggapan sa lalawigan.

Salaysay ni Rosales na habang naka-kustodiya muna sa BoC ang tatlong container vans na kinargahan ng kontrabando ay agad sila kukuha ng court order upang sirain ang kemikal para hindi na magamit pa sa ibang ilegal na gawain sa rehiyon.

Unang nasabat ang kontrabando Pebrero 2017 at agad kinasuhan ang mga taong nasa likod nang pagpupuslit subalit nabasura dahil sa ilang teknikalidad pero ibinigay pa rin ng korte sa BoC para tuluyang hindi na mapupunta sa grupo ng mga sindikato.

Ito ang dahilan na tinanggal ng Customs sa listahan ng accredited importers ang Juchem Enterprises at ipinagkatiwala sa PDEA ang nakomspika na kontrabando na nagkahalaga ng P20 milyon dahil sa kawalan ng permits mula sa Department of Environment and Natural Resources at Food and Drugs Administration.