Dumistansiya si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves patungkol sa nangyaring pananambang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo nuong Sabado kung saan idinadawit ang kaniyang pangalan.
Sinabi ng mambabatas base sa nakalap niyang intelligence information na may mga taong nais siyang idiin at sisihin sa pangyayari.
Binigyang-diin ni Teves, kung talagang may plano siyang gumawa ng masama sa namayapang gobernador ay noon pa sana nito ginawa.
Sabi ni Teves anong motibo kung ngayon nila gagawin dahil hindi sila ang mag benepisyo dito dahil kung mawala ang gobernador, ang uupo naman ang vice governor, hindi ang kapatid nito na talagang nanalo nung eleksiyon subalit pinababa ito sa pwesto.
Kung maalala, noong 2022 elections, naging magkatunggali sa pagka gobernador si Degamo at kapatid ni Teves na si Pryde Henry Teves.
Nanalo si Teves, ngunit nagbaba ng desisyon ang COMELEC at idinedeklara bilang nuisance candidate si Grego “Ruel” Degamo ay inilipat ang nakuha nitong boto kay Gov. Roel Degamo.
Pebrero naman nang pagtibayin ng Korte Suprema ang naturang desisyon.
Panawagan naman nito sa mga tao na aniya’y nais ‘umepal’ at makisakay sa isyu na huwag siyang gamitin.
Nagpa abot rin ng pakikiramay si Teves sa pamilya ni Gov. Degamo.
Kasalukuyang nasa ibang bansa si Teves para aniya sa kanyang stem cell treatment.
Sa video ni Teves na inilabas sa kaniyang Facebook page, kaniyang sinabi na isusuko nito ang kaniyang mga armas sa gobyerno matapos hindi nabigyan ng lisensiya ng PNP Firearms and Explosive Office (FEO).