Umaasa ang pinuno ng House Quad Committee na hindi pagbibigyan ng Korte Suprema ang hirit ng kampo ni Cassandra Ong laban sa pagdalo niya sa mga hearing ng komite.
Maalalang naghain ng petition for certiorari ang legal team ni Cassandra Ong sa Supreme Court upang humingi ng proteksyon laban sa umano’y pressure, impluwensya, pamamahiya, pagbabanta, at verbal at mental abuse na dinaranas ni Ong sa mga pagdinig ng Kamara at Senado.
Umaasa si Surigao del Norte 2nd district Rep. Robert Ace Barbers na tatanggihan ng Korte Suprema ang petisyon ng kampo ni Ong upang hindi mahinto ang ginagawang imbestigasyon.
Nais aniya ng Kamara na magtuluy-tuloy ang imbestigasyon upang tuluyan nang lumabas ang katotohanan ukol sa posibleng kaugnayan ni Ong sa mga POGO na dati nang sinalakay ng mga otoridad.
Katwiran ni Barbers, kung nakikipag-cooperate lamang si Ong ay posibleng hindi siya mahihirapan sa mga tanong ng mga mambabatas.
Tanong tuloy ni Barbers, saang bahagi ng pagdinig nakaranas si Ong ng mga pamamahiya?
Si Ong ay ang kasama ni Shiela Guo na nahuli sa Indonesia at tuluyang naibalik sa Pilipinas ilang linggo na ang nakakalipas. Sa kasalukuyan ay isinisilbi ni Ong ang nalalabi sa 30 araw na detention niya sa Kamara.