-- Advertisements --

Umapela si Laguna Representative at House Public Order and Safety Chair Dan Fernandez sa mga opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration na ituro na kung sino ang tumulong sa grupo ni Alice Guo para makatakas sa bansa.

Ayon kay Fernandez, ibibigay niya ang dalawang buwang sahod sa sinumang BI personnel na makakapagturo o makakapagbigay ng pangalan.

Giit ng mambabatas, gagawin niya ito upang matunton ang sinumang tumulong para makapagtago si Alice gayong alam nilang nahaharap sa patung-patong na reklamo ang tinanggal na alkalde.

Ayon kay Fernandez, ang pakikipag-tulungan ng mga BI personnel at official ay mahalaga upang makabuo ang Quad Committee ng akmang batas para mapigilan na mangyari pa itong muli.

Ang isang kongresista ay sumasahod ng mula P262,965 hanggang P289,669 o katumbas ng salary grade 31.