Maaaring mis-informed lang umano si SAGIP party-list Representative Rodante Marcoleta ayon kay Commission on Elections (Comelec) chairperson George Garcia kasunod ng alegasyong panunuhol laban sa kaniya.
Ayon kay Garcia, isang matapat na kaibigan niya ang mambabatas at naging kliyente din niya. Wala din umano siyang masasabing masama sa kaniya at talagang maaaring misinformed lang ang mambabatas at misappreciation of facts.
Nais lamang din aniya ng Comelec Chairman na masiyasat ng mabuti ang mga alegasyon at sinabing alam niyang kilala ni Congressman Marcoleta ang buo niyang pagkatao.
Nakahanda din si Garcia na makipag-usap sa mambabatas para malinaw ang mga bagay-bagay anumang oras.
Nauna ng sinabi ng poll body chief na target niyang maghain ng mga kaso laban sa mga indibidwal na nasa likod ng umano’y demolition job laban sa komisyon kung saan hihingi ito ng tulong mula sa US Department of Justice para imbestigahan ang mga indibidwal sa likod ng umano’y foreign bank accounts na sinasabing pagmamay-ari niya, bagay na malugod namang tinanggap ni Cong. Marcoleta dahil mapapabilis aniya nito ang imbestigasyon sa isyu.
Maaalala nauna nang kinuwestyon ni Marcoleta ang paggawad ng Comelec ng P18-bilyong automated election contract sa isang joint venture na pinamumunuan ng South Korean firm na Miru Systems sa gitna ng umano’y pagkakaroon ng 49 offshore bank accounts na tumanggap ng pera ang isang Comelec official mula sa mga bangko sa South Korea.
Iniugnay din ng mambabatas si Garcia sa dalawang offshore bank account sa Cayman Islands na umano’y nakatanggap ng mga deposito mula sa mga bangko sa South Korea.