Nilinaw ng PNP na walang mangyayaring arestuhan sa oras na makabalik na si Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. sa Pilipinas.
Ito ay sa kabila ng mga alegasyong ibinabato sa kaniya ngayon na nauugnay sa umano’y pagpapapatay kay dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Ayon kay PNP spokesperson PCOL Jean Fajardo, walang legal na basehan ang pambansang pulisya sa pang-aaresto kay Cong. Teves dahil wala pa aniyang warrant of arrest na inilalabas ang korte laban sa kaniya.
Aniya, bagkus ay handa pa ang pulisya na bigyan siya ng kaukulang seguridad at kaligtasan at gayundin ang kaniyang buong pamilya upang hindi na ito magkaroon pa ng agam agam sa pagbalik sa bansa.
Kung maaalala, kapwa nanawagan sina House Speaker Martin Romualdez at Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. kay Congressman Teves na bumalik na sa Pilipinas at kaharapin ang mga alegasyong kinakaharap nito.
Una na rin sinabi ni Fajardo na kabilang si Cong. Teves sa mga sinampahan ng PNP-CIDG ng reklamong paglabag sa comprehensive firearms and ammunition law at gayundin ng illegal possession of explosives.