-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nagpapasalamat si ACT-CIS Partylist Rep. at Benguet Caretaker Congressman Eric Go Yap sa parangal na iginawad sa kanya ng Sangguniang Panlalawigan ng Benguet.

Una rito, naghain ng resolusyon ang mga opisyal ng lalawigan para makilala si Yap bilang ‘anak’ o Adopted Son of Benguet.

Ipinagmalaki ng kongresista na mula nang mapili ito bilang caretaker congressman ng Benguet ay ginawa niya ang kanyang buong makakaya para makatulong sa lalawigan lalo na ngayong panahon ng krisis.

Nangako si Yap na ipagpapatuloy nito ang pagtulong sa iba’t-ibang bayan ng Benguet.

Tiniyak pa nito na ipagpapatuloy niya ang magandang serbisyo at kanyang diringgin ang mga hinaing ng mga taga-Benguet.

Sa mga nagdaang araw, sunod-sunod ang pamamahagi ng opisina ni Yap ng mga tulong pinansyal at materyal na tulong sa Benguet.

Inatasan si Yap bilang caretaker congressman ng Benguet kasunod ng pagkamatay ni dating Benguet Rep. Nestor Bagtang Fongwan Sr. dahil sa sakit noong nakaraang taon.