-- Advertisements --

Nilinaw ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na nananatiling negatibo si Rep. Eric Go Yap ng ACT-CIS Partylist sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Taliwas ito sa unang lumabas na positibo raw sa sakit si Yap.

Humihingi ng paumanhin ang RITM sa mambabatas matapos ang nangyaring “encoding error” na natuklasan lamang nitong Huwebes ng gabi ng Molecular Biology Laboratory (MBL) ng RITM.

Nilinaw naman ng RITM na isolated lamang ang nasabing pagkakamali.

Iniimbestigahan na rin daw nila ang kanilang augmentation staff mula sa labas ng regular na workforce ng laboratoryo.

Nanindigan naman ang RITM na nananatiling accurate ang kanilang inilalabas na mga resulta ng COVID Test at ang kanilang testing process ay naaayon sa protocol ng World Health Organization.

Nangako rin ang pamunuan ng RITM na hindi na mauulit ang nasabing pagkakamali.

Nagdagdag na rin anila sila ng layer of verification bago magsumite ng mga susunod na report sa resulta ng mga pagsusuri.

Sa pahayag naman ni House Appropriations Committee chairman Eric Yap, mismomg ang director ng RITM na si Dr. Celia Carlos ang tumawag sa kanya sa nangyari.

Aminado si Yap na sa mga nakalipas na araw ay hindi naging madali ang lahat para sa kanya at sa mga taong nakapalibot sa kanya, pero sa kabila nito ay buong buso raw niyang tinatanggap ang paumanhin ng RITM.

“Naiintindihan ko, they are the busiest medical facility in the country right now. Its not an excuse pero normal na nagkakaroon ng pagkakamali sa dami at sa pressure na tinatanggap ng RITM ngayon,” ani Yap.

Gayunman, bagama’t masaya siya sa naging resulta ng COVID-19 test na isinagawa sa kanya, iginiit ni Yap na hindi ito panahon para magdiwang lalo pa at ilang milyong Pilipino ang apektado pa rin ng krisis dulot ng sakit na ito.

“This is just a clerical error and should not be taken against RITM, hindi sila nagkamali ng pagprocess ng samples ko, hindi sila nagkamali sa basa ng results ko,” dagdag pa nito.

Kasabay nito ay hinimok ng kongresista ang publiko na sumunod sa safety protocols na inilatag ng pamahalaan, lalo na ang pananatili sa loob ng bahay sa gitna ng COVID-19 pandemic. (with report from Bombo Dave Vincent Pasit)