Nagpahayag ng taos-pusong pasasalamat si Ako Bicol Party-List Rep. Elizaldy S. Co kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa kanyang pamumuno sa mahalagang relief efforts para sa mga Bicolanong nasalanta ng sunod-sunod na kalamidad, kasama na ang Super Typhoon Pepito.
Ayon kay Co, ang mabilis at maagap na aksyon ni Speaker Romualdez ay patunay ng kanyang malasakit at dedikasyon sa ating mga kababayang nangangailangan. Ang relief efforts na ito ay isang malaking tulong para sa mga kababayan ko sa Bicol na nasalanta, lalo na sa mga taga-Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Catanduanes na matinding naapektuhan.
Ang inisyatibang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” ay naghatid ng 24 na trak ng mga relief goods at P750 milyon na financial aid para sa mga apektadong pamayanan sa Camarines Norte, Camarines Sur, Albay, at Catanduanes.
Sinabi ng mambabatas na tubong Bicol na ang inisyatiba ay hindi lamang nakatuon sa agarang tulong kundi nagbibigay-diin din sa pangmatagalang pagbangon. Pinuri niya ang maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng gobyerno, tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga private donor sa pagtugon sa kagya’t at pangmatagalang pangangailangan ng mga apektadong pamilya.
Ang mga relief efforts ay kinabibilangan ng pamamahagi ng financial assistance sa mahigit 150,000 benepisyaryo simula Nobyembre 18 sa ilalim ng AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situations) program ng DSWD, paghahatid ng kinakailangang suplay sa mga apektadong lugar, at ang pagsasagawa ng Mini-Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) sa Nobyembre 21 sa mga pangunahing lugar sa Bicol.
Muling tiniyak ni Co ang kanyang patuloy na pakikipagtulungan kay Speaker Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang matiyak na matatanggap ng mga apektadong pamilya ang nararapat na suporta.
Ang “Tabang Bikol, Tindog Oragon” ay isang patunay ng pagsisikap ng gobyerno na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino at tiyakin na walang maiiwan sa kanilang muling pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.