-- Advertisements --

Pagtutuunan din ni incoming PNP chief at NCRPO Director Oscar Albayalde ang pagsasaayos sa mga kulungan sa bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Albayalde na ang pagresolba sa problema ng masisikip na kulungan ang kabilang umano sa mga marching orders ng Pangulong Rodrigo Duterte, liban pa sa isyu sa kampanya sa iligal na droga at sa paglilinis sa hanay ng pulisya.

Ayon sa heneral nakita umano ng Pangulo ang labis na pagsisikip na sa mga kulungan na kailangang palakihin.

Aniya, sa National Capital Region pa lamang ay marami na ang namamatay na mga bilanggo dahil sa mga sakit bunsod ng hindi maayos na mga kulungan.

Kaugnay nito, nanawagan ng tulong si Gen. Albayalde sa mga local government units sa iba’t ibang dako ng bansa na sana ay magpaabot din ng tulong dahil malaking bagay ito para sa improvement sa mga jail facilities.

Ito rin daw ang kaniyang ginagawa sa mga proyekto sa mga kulungan sa Metro Manila sa pakikipag-ugnayan sa mga LGUs na napasimulan na.

Aminado naman ang papalit kay PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na bagamat mahigit isang taon lamang siya na mamumuno sa 190,000-strong PNP personnel, ipupursige niya ang nasimulang programa sa NCR para naman sa iba’t ibang dako ng bansa.

“Masisikip na lalong lalo na ang mga jails namin, mga different stations dito lamang po sa NCR andami nang namamatay,” ani Gen. Albayalde sa Bombo Radyo.