Nakaganti ang Congo team sa Philippine national Team Gilas nang talunin sa score na 82-71 sa pagsisimula ng Torneo de Malaga sa bansang Spain nitong araw.
Nagawang madomina ng mga Pinoy ang first half kung saan abanse pa sila 33-32, pero nag-collapse ang koponan sa huling bahagi ng laro.
Sinamantala ng husto ng Congo gamit ang kanilang malalaking players para biguin ang Gilas.
Kung maaalala nitong nakalipas lamang na araw sa exhibition game ay tinambakan pa ng Pilipinas ang Congo, 102-80 sa laro na ginanap sa siyudad ng Guadalajara.
Pero sa pagkakataong ito minalas ang mga Pinoy sa three point area (30.8% lang habang ang Congo 41.2%) maging sa rebounds at turnovers.
Nanguna sa kampanya ng Gilas Pilipinas ang bagitong si Robert Bolick na may 21 points kabilang na ang 3-of-5 mula sa three-point area.
Ang naturalized player naman na si Andray Blatche ay nagpakita ng 15 puntos, eight rebounds, five assists at si CJ Perez ay nagdagdag ng 11.
Sinasabing kabilang sa isyu na naging dahilan sa pagkatalo ng Pilipinas ay ang kapaguran ng mga players lalo na at nine-man rotation lamang ang gamit ni coach Yeng Guiao.
Nagpapagaling pa kasi bunsod ng injury ang veteran guard na si Gabe Norwood.
Marami naman ang nanghinayang na hindi na makakaharap ng Pilipinas sa short tournament ang world’s number 2 na host Spain na magandang pagkakataon sana para mahasa pa ng husto ang mga players sa international play.
Sunod na makakaharap ng Gilas ang matatalo sa laro sa pagitan ng Ivory Coast at Spain na ipinarada ang mga NBA stars na sina Marc Gasol at Ricky Rubio.
Ang mga laro ng Gilas ay bahagi pa rin ng paghahanda sa nalalapit na FIBA World Cup na gaganapin sa China.