-- Advertisements --

Binigyan ng Korte Suprema ng 10 araw ang Kongreso at si Executive Secretary (ES) Lucas Bersamin na magkomento sa petisyong humahamon sa legalidad ng 2025 national budget.

Ang naturang petition for certiorari and prohibition ay inihain ni dating ES at Senatorial aspirant Vic Rodriguez, Davao city 3rd district Rep. Isidro Ungab, at iba pa.

Pinangalanan naman bilang respondent si ES Bersamin kasama sina Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez.

Sa naturang petisyon, ikinatwiran ng mga petitioner na unconstitutional ang 2025 General Appropriations Act (GAA) dahil sa nadiskubreng bangkong items sa bicameral report.

Gayundin, bigong makapaglaan ng mandatoryong pagpopondo para sa PhilHealth, labag sa batas na pagtaas ng appropriations nang lagpas sa mga rekomendasyon ng Pangulo at pagprayoridad sa imprastruktura kesa sa edukasyon.

Matatandaan na nag-ugat ang pagkwestyon sa budget matapos ibunyag ni Cong. Ungab ang nadiskubreng missing amount partikular na sa items sa ilalim ng Department of Agriculture (DA) at unprogrammed appropriations sa ilang pahina ng bicam report sa inereng Basta Dabawenyo Podcast noong Enero 18, 2025.

Binatikos din ni dating PRRD na kasama sa naturang podcast ang mga nakitang blank spaces dahilan para tawagin nito ang budget na “invalid”.

Kinumpirma naman ni Acting House Appropriations Committee Chairperson Stella Quimbo na mayroon ngang blank items sa bicam report pero nilinaw niyang natukoy din ang mga ito bago lagdaan ang report.

Samantala, nanindigan naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang blankong pahina sa kaniyang nilagdaang 2025 GAA.