BAGUIO CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga kongresista na nagpositibo sa COVID (Cornavirus Disease).
Kasunod ito ng pahayag ni Abra Representative Joseph Sto. Niño “JB” Bernos sa pamamagitan ng kanyang social media account na nagpositibo ito sa COVID-19.
Nakasaad sa kanyang pahayag na sumailalim ito sa RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test bilang bahagi ng kanyang routine checkup.
Gayunman, sinabi ng kongresista na asymptomatic o wala siyang sintomas at kasalukuyang sumasailalim sa home quarantine.
Inilawaran nito na “unfortunate” ang pangyayari dahil sa kabila ng mahigpit na pagsunod niya sa mga health protocol ay nahawaan pa rin siya ng virus na posibleng dulot ng maraming hindi naiwasang commitments.
Mahigpit naman niyang pinapayuhan ang mga naging close contact niya sa mga nakaraang araw na sumunod sa mga precautionary measure, pagsubaybay sa kanilang kalusugan, at sa pagsailalim sa COVID test para masiguro ang kanilang health status.
Hiniling pa ng kongresista ang panalangin para sa kanya at sa buong bansa na nahaharap sa pandemya para makabalik na sila sa paninilbihan sa mga mamamayan.