LEGAZPI CITY- Pabor si Taguig City First District Representative Alan Peter Cayetano na taasan ang calamity fund dahil sa matinding epekto ng mga sama ng panahon na pumapasakok sa bansa.
Paliwanag ng mambabatas na malaki aniya ang pinsala ng naturang mga sama ng panahon sa imprastraktura at sektor ng agrikultura, kaya kailangan ng mas malaking pondo.
Sa personal na pagbisita ni Cayetano sa lalawigan ng Albay upang makita ang pinsalang iniwan ng bagyong Rolly, iminungkahi nito ang pagtataas ng quick reaction fund ng lahat ng departamento ng pamahalaan.
Iginiit din ng dating house speaker na maliban dito, mahalaga rin ang pagtatayo ng mas resilient na imprastruktura sa mga lugar na madalas tamaan ng malalakas na bagyo tulad ng Bicol region.
Sayang kasi umano ang pondo kung paulit-ulit lamang na aayusin ang mga nasisirang establishimento dahil hindi matibay ang pagkakagawa ng mga ito.