ILOILO CITY – Nagsimula na ang pag-imbita ng mga political party sa mga kaalyadong kongresista upang pag-usapan ang susuportahan na susunod na House speaker sa papasok na 18th Congress.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay outgoing Iloilo City lone district congressman at ngayon Iloilo City Mayor-elect Jerry Treñas, sinabi nito na sa kanyang pagkaka-alaman pinapatawag na ng mga partido ang kanilang mga myembro upang kunin ang consensus kung sino ang susuportahan bilang papalit sa pwesto ni outgoing House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa papasok na linggo ay sunod-sunod na makikipagpulong ang grupo ng mga congressman kasama na ang partylist bloc sa ilang nag-aambisyong maging lider ng Kamara.
Nilinaw naman ni Treñas na wala pa itong ideya na namili na raw ng boto ang ilang kongresista na nagnanais masungkit ang trono bilang susunod na lider ng Kamara taliwas sa ibinunyag ni dating House speaker at re-elected Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez na may nangyayaring “vote-buying” sa Kamara.
Ayon kay Treñas, mula nang maupo itong kongresista, wala pang nangyayaring bilihan ng boto ng mga kongresista.
Maliban kay Rep. Alvarez, kabilang rin sa mga matutunog na pangalan bilang susunod na Speaker ng House of Representatives ay sina Marinduque Rep. Lord Allan Velasco , Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, Leyte Rep. Martin Romualdez , Antique Rep. Loren Legarda at Davao City Rep. Paolo Duterte.