ILOILO CITY – Umani ng batikos ang mga officials ng Iloilo City Government matapos umanong nilabag ng mga ito ang health protocol kasabay ng pamimigay ng cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Jeck Conlu, tagapagsalita ng COVID-19 team ng Iloilo City Government, inamin nito na hindi nila nasunod ang physical distancing kung saan nagpakuha pa sila ng litrato na magkadikit at ang iba ay hindi pa nakasuot ng face mask.
Napag-alaman na si Conlu ay sinasabing hindi rin sumunod sa health protocol.
Kabilang rin sa mga sumuway daw sa health protocol ay sina Iloilo City Lone District Rep. Jamjam Baronda, Iloilo City Mayor Jerry Treñas, Vice Mayor Jeffrey Ganzon, at City Councilors Ely Estante, Jojo Javellana, Allan Zaldivar at Rudolph Ganzon.
Maging ang mga anak ng alkalde na sina Raisa at Miguel Treñas ay lumabag rin umano sa health protocol.
Violator rin daw ng health protocol ang executive assistant na si Fernando Jose Rico at mga punong barangay na sina Roberto Niño ng Calumpang, Molo, Iloilo City at John Eric David ng Veterans Village, Iloilo City Proper.