Isiniwalat ng Presidential Anti-Organized Crime Commission na ang connecting flights sa deportation ng mga nahuling Philippine Offshore Gaming Operators ay sanhi umano sa pagtakas ng ilan pagdating sa ibang bansa.
Ito ay kinumpirma mismo ni Spokesperson Winston Casio ng naturang komisyon sa kanyang naging pahayag sa isang forum na ginanap ngayong araw.
Aniya, ang gawain kasi ng mga napapa-deport na foreign nationals, lalo na partikular sa mga intsik, matapos lumipad ng eroplano mula rito sa bansa ay hindi na sila dumidiretso sa susunod na flight na siya naming maghahatid patungo sa destinasyong bansa.
Dahil dito, iginiit ng naturang tagapagsalita na hinding-hindi na nila ito pahihintulutang mangyari pang muli at sinabing agarang pag-blacklist at deportation ang kanilang ipapataw sa mga mahuhuli pang sangkot sa iligal na gawain.
‘Pag’ sila nahuli, pag’ foreigners po yan we will deport them to wherever they are with a corresponding blacklist and we will not allow transit flights from the Philippines, pinagbigay alam po naming yan sa Immigration,’ ani Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
‘Kasi yung ibang mga Chinese matatalino, kukuha ng ticket for deportation… Manila-Macau-Shanghai, pagdating ng Macau, pagdating ng Kuala Lumpur, hindi na pumapasok duon sa connecting flight pauwi ng China, bawal po iyn,’ pahayag pa ni Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission.
Dagdag pa rito, ibinahagi din ni Spokesperson Winston Casio na ganito rin ang nangyari sa mga Indonesian na ipina-deport at natuklasan pang lumipat sa Cambodia upang duon ipagpatuloy ang illegal na operasyon.
‘And the reports we have gotten from the Indonesian Embassy is, pagdating nila sa Singapore, lumipat pa-Cambodia. So they are now in Cambodia scam-hubs,’ ani Spokesperson Winston Casio ng Presidential Anti-Organized Crime Commission
Dahil dito kasama na ngayon ang mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission sa tuwing magkakaroon ng mga deportation sa mga naarestong sangkot sa iligal na gawain.
Samantala, ani pa ng naturang tagapagsalita na ang koordinasyon naman ng China sa kanila ay nakatulong upang masakote ang ilang POGO bosses na naiwan pa sa Pilipinas.