VIGAN CITY – Iminungkahi ng isang dating mambabatas na isa sa Philippine Military Academy (PMA) 1995 MARILAG Class na magkaroon ng tuloy-tuloy na monitoring at awareness sa mga kadete hinggil sa epekto ng hazing.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa pagkamatay ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio dahil sa pagpapahirap umano sa kaniya ng ilang upperclassmen nito sa loob ng PMA.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni dating Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na sa pamamagitan ng patuloy na pagpapaintindi sa mga kadete sa masamang epekto ng hazing, maiiwasan umano na maulit ang nangyari kay Dormitorio sa iba pang kadete ng akademiya.
Kasabay nito, sinabi ni Alejano na kailangang maparusahan ang mga responsable sa nangyari kay Dormitorio upang maging babala at aral ito sa iba pang nasa loob ng PMA.