Conspiracy sa pagitan ng Department of Agriculture at private sector kaugnay sa onion procurement, susuriin ng Ombudsman
Susuriin ng Office of the Ombudsman kung may sabwatan sa pagitan ng ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) at pribadong sektor sa pagbili ng sibuyas na umano’y nagkakahalaga ng P500 kada kilo mula sa isang kooperatiba sa Nueva Ecija.
Ayon kay Ombudsman Samuel Martires ang mga imbestigador ng Ombudsman ay nagpadala ng liham sa Food Terminal Incorporated’s (FTI) at sa DA hinggil sa usapin.
Nang tanungin kung sino ang tatanungin ng Ombudsman kung isasaalang-alang na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ring kalihim ng DA, sinabi ni Martires na sumulat ang kanilang mga imbestigador kay Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban.
Nauna nang sinabi ng Ombudsman na iimbestigahan nito ang pagbili ng DA at Food Terminal Incorporated (FTI) ng sibuyas na nagkakahalaga ng P537 kada kilo mula sa Bonena Multipurpose Cooperative.
Aniya, kinuwestiyon nila ang DA at ang Food Terminal Incorporated (FTI) sa proseso ng bidding, hanay ng presyo, at kung bakit napili ang kooperatiba.
Dagdag pa nito na dapat bigyang-katwiran ng mga ahensya kung bakit sila nagsagawa ng negotiated contract kung ito ay napag-usapan.
Noong Martes, nagbigay ng green light ang DA para sa pag-aangkat ng 21,060 metrikong tonelada ng sibuyas upang punan ang kakulangan sa suplay at mapigil ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado.