Naniniwala ang dating Department of Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Jonathan Malaya na tila imposibleng mangyari ang constitutional convention sa ilalim ng kasalukuyang Marcos administration.
Sa pagtalakay ng 1987 Constitution sa isang forum na inorganisa ng University of the Philippines, inihayag ni Malaya na ni minsan ay hindi pa niya narinig ang Pangulo na tinalakay ang hinggil sa Charter Change.
Kung sila aniya ang tatanungin, magandang option ang constitutional convention o con-con subalit ito ay political decision.
Ipinunto din ni Malaya na hindi magkakaroon ng constitutional convention nang walang suporta mula sa Pangulo.
Kaugnay nito, inirekomenda ni Malaya na dapat na ireporma o i-adapt ang existing institutions sa halip na buwagin o baguhin ang konstitusyon ng tuluyan.
Kung maaalala, hinimok noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang susunod na administrasyon na agarang simulan ang pagproseso sa pag-amyenda sa konstitusyon kasama ang rekomendasyon na buwagin ang party-list system.
Sinabi naman noon ng Pangulong Marcos na dapat na maging prayoridad ng gobyerno ang pagbabakuna sa publiko sa gitna ng banta ng covid-19 pandemic sa halip na amyendahan ang saligang batas.