-- Advertisements --

Plano ng labor coalition na NAGKAISA na kwestyunin ang constitutionality ng inaprubahan ng kongreso na 2025 national budget sa Korte Suprema sakaling hindi ito i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ito ay dahil sa paglabag umano sa constitutional mandate ng national budget na unahin ang edukasyon at kalusugan.

May iba ding mga grupo at indibidwal ang nagbabalak na hamunin ang constitutionality ng 2025 General Appropriations Act (GAA) kung saan nagdagdag ang Kongreso ng bilyun-bilyong halaga mula sa orihinal na national expenditure program na isinumite ng executive para sa ilang mga ahensiya ng gobyerno.

Ayon kay NAGKAISA chair Sonny Matula, maghahain ang kanilang grupo ng kaso laban sa gobyerno sakaling lagdaan ni PBBM ang naturang pondo. Hindi aniya nila papayagan ang pamahalaan na abandonahin ang tungkulin nito sa taumbayan.

Binatikos din ni Matula ang zero subsidy para sa Philhealth na isang direktang pag-atake aniya sa social justice at sa Konstitusyon kayat marapat lang aniya na i-veto ng Pangulo ang inaprubahang pondo ng Kongreso.

Ilan pa sa mga grupong nanawagan sa Pangulo na i-veto ang 2025 GAA na nagtanggal sa subsidiya para sa Philhealth ay ang Action for Economic Reforms. Tinawag ng grupo na isang gross violation ng Sin Tax law ang alokasyon ng mga pondo sa ilalim ng GAA para sa 2025 kung saan naglaan ng 85% ng excise tax collections mula sa tobacco at sweetened beverages para sa Philhealth para sa implementasyon ng Universal Health Care Act.