-- Advertisements --

Sasampahan ng kasong syndicated estafa ang isang miyembro ng pamilya Almazan na nagmamay-ari ng isang construction firm dahil sa pagkakasangkot nito sa billion-peso construction investment scam.

Ayon kay Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-NCR chief S/Supt. Wilson Asueta, ang suspek na si Paul Joseph Almazan ay naaresto dahil sa
ginagawa raw nitong pandaraya sa mga tao na mag-invest ng halos P2-bilyon sa kanilang construction company.

Ibinunyag din ni Asueta na buong pamilya Almazan ay may warrant of arrest batay sa mga reklamo na isinampa ng kanilang mga biktima.

Ayon sa mga biktima, hinikayat sila para mag-invest ng pera sa construction firm at pinangakuan na bibigyan sila ng interes sa kanilang capital.

Inihayag pa ni Asueta na may legitimate construction firm si John Paul na siyang ginagamit niyang pang-akit ng investor upang makipag-joint venture sa kanilang construction firm.

Pero nang dumami na raw ang kanilang investor, hindi na umano nila nabibigyan ng interes ang mga ito, kabilang ang investor capital contribution.

Naaresto si Almazan noong March 27 sa isinagawang operasyon ng CIDG sa may J.P. Rizal Avenue, Makati City.

Pinaghahanap din ngayon ang iba pang mga akusado na sina Peter Frederick Tan Sy, Kathleen Suzanne Sy-Cato, Lauro Almazan at Cecilia Almazan.