Karagdagang 3 million construction workers ang kailangan pa raw sa ngayon ng mga private companies para sa Build, Build, Build (BBB) infrastructure program ng Duterte administration.
Batay sa initial estimate ng Department of Trade and Industry (DTI) at Industry-Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) para sa kanilang construction road map, sinabi ni Research, Education and Institutional Development (REID) Foundation Vice President Ronilo M. Balbieran na mangangailangan ang bansa ng nasa humigit kumulang 7 million construction workers.
Mas mataas ito kung ikumpara sa estimates ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nagsabi na ang construction industry sa bansa ay mangangailangan ng 800,000 hanggang 1 million construction workers.
Nabatid na sa ngayon 4 million construction workers pa lamang ang mayroon ang bansa ayon kay Balbieran.
Mahalaga aniya na madagdagan pa ito lalo pa kung fully implemented na ang BBB program ng pamahalaan.