DAVAO CITY – Nilinaw ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Davao na walang issue sa nagpapatuloy na konstruksyon ngayon sa Samal Island – Davao City (SIDC) Connector Bridge.
Ayon kay DPWH spokesperson Dean Ortiz, kahit na nagsampa ng Temporary Restraining Order (TRO) ang pamilyang Rodriguez laban sa konstruksyon sa Samal Island – Davao City (SIDC) Connector Bridge, ay hindi ito makakaapekto sa nagpapatuloy na pagpapatayo ng nasabing proyekto. Nilinaw din ng opisyal na hindi ang TRO ang dahilan kung bakit natigil ang konstruksyon kundi dahil sa Road-Right-Of-Way na normal na umano sa mga ipinapatayong proyekto ng gobyerno.
Sa kabilang dako ay sinabi ng opisyal na nirerespito ng ahensya ang karapatan ng mga naapektuhan sa pagsasampa ng reklamo, pero nilinaw nito na matitigil lamang ang proyekto kapagka ang Korte na mismo ang magbaba ng kautusan. Ang petisyon umano na isinampa sa SC, isang dismissal na una ng inasikaso ng Court of Appeals.
Samantala, inaasahan naman na isusumite ng contractor ang Detailed Engineering Design (DED) plans para sa pundasyon ng tulay ngayong buwan at inaasahan na sa Hunyo o Hulyo ay maaaprubahan na ito para sa foundation structures sa pagbabalik ng construction works.
Nitong kasalukuyan, wala pang natatanggap ang DPWH Davao na TRO mula sa Korte Suprema kaugnay sa inasikasong writ of continuing mandamus. Sa kabila ng suspension dahil sa Right-of-Way concerns, nanatili parin ang target completion sa August 30, 2027.