Kinumpirma ni AFP chief of staff General Eduardo Ano na sa susunod na taon, 2018 magsisimula na ang construction sa limang Philippine military bases na siyang tinukoy na EDCA locations.
Ang limang EDCA locations ay siyang gagamitin ng mga American troops sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) na nilagdaan nuong April 2014.
Sa ilalim ng EDCA maaaring taasan ng US ang kanilang military presence sa Pilipinas sa pamamagitan ng rotation of troops kasama ang kanilang mga military assets na gagamitin para sa humanitarian at maritime security operations.
Ayon kay Ano, tapos na ang ginawang survey at iba pang mga kailangan kaya all set na ang construction sa mga ito.
Una ng tinutukoy ang limang lugar sa bansa na siyang magiging EDCA locations. Ito ay ang mga sumusunod: Antonio Bautista Air Base, Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro at Mactan-Benito Ebuen Air Base sa Cebu.
Sa kabilang dako, ayon naman kay AFP Spokesperson MGen. Restituto Padilla na ang pondo ng nasabing construction ay popondohan ng Estados Unidos.
Dagdag pa ni Padilla na ang imbakan ng mga ibang mga gamit sa ibat ibang lugar sa bansa ang siyang naging priority at ilan sa mga facilities ay tapos at itutuloy na ito sa susunod na taon.
Hindi naman masabi ni Padilla kung magkano ang pondo na inilaan ng US government para sa construction ng limang EDCA locations.
Binigyang-linaw din ni Padilla na ang mga nasabing EDCA locations ay matatagpuan din mismo sa loob ng kampo ng AFP.
Aniya, hindi kalakihan ang lugar na inilaan para sa mga US forces kasama ang kanilang mga kagamitan.
” Yes the EDCA locations have been funded on the side of the Americans, in fact some of the them were already done, mga storage areas ng HADR equipment, yung imbakan ng mga ibang gamit sa iba’t ibang lugar, yun yung naging priority, may ilan diyan na nagawa na, nasimulan na at saka itutuloy hanggang next year,” paliwanag ni Padilla.