TACLOBAN CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng isang construction worker sa kamay ng kanyang nakainuman matapos itong pugutan ng ulo at pagpira-pirasuhin ang ilang bahagi ng kaniyang katawan sa Culaba, Biliran.
Kinilala ang biktima na si Eduardo Roquitos, 30, at nakatira sa Bool East, Culaba; habang ang suspek naman ay kinilala na si Roger Paje, 48-anyos, at isang chainsaw operator.
Ayon kay P/Lt Isidoro Ancero Jr, hepe ng Culaba Police, uminom pa raw ang biktima sa bahay ng suspek kasama ang isa pa nilang kaibigan na si Eduardo Cañete.
Nakatulog raw si Roquitos at Cañete sa bahay ng suspek kayat hindi nila napansin na kumuha ng chainsaw si Paje.
Ayon sa pulisya, nagiging bayolente ang suspek tuwing nakakainom ito kaya dahil sa sobrang kalasingan ay kumuha ito ng chainsaw at pinutol ang ulo ng biktima.
Nagawa rin ng suspek na pagpira-pirasuhin ang iba’t-ibang bahagi ng katawan ng kanyang kaibigan.
Samantala, nakuha namang makatakas ni Cañete at nakahingi ng tulong sa mga Kapulisan.
Kaagad na nahuli ang suspek at ngayon ay sinampahan na ng kasong murder.