-- Advertisements --

LAOAG CITY – Namatay habang ginagamot sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Batac ang isang construction worker matapos pinagbabaril sa public market ng nasabing lungsod.

Una nang sinabi ni Major Artemio Clemente, deputy chief of police ng PNP Batac na love triangle ang dahilan sa pagbaril ng suspek na si Francisco Saclamitao Jr, 44, construction worker at residente ng Brgy. Sta. Rita, Paoay, Ilocos Norte sa biktima na si Eduardo Honor, 49, at residente ng Brgy. 18 Magnuang ng nasabing lungsod.

Dagdag ni Clemente na iginiit ng suspek na masama ang loob nito dahil may relasyon umano ang biktima at ang asawa nito.

Kwento pa ni Clemente, inamin ng suspek na bago ang pamamaril ay nagkasagutan pa umano sila ng biktima kung saan dito na binaril ni Saclamitao si Honor gamit ang isang kalibre .45 na baril.

Napag-alaman na tinangka pa ng suspek ang tumakas subalit nahuli rin ng mga pulis.

Inaasahan na isasampa ang reklamong murder laban sa nasabing suspek na sa ngayon ay nananatili sa kustodya ng pulisya.