-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Posibleng parusahan ang Chinese contractor ng Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga kung mabibigo itong ibigay ang mga requirements na hinihiling ng Department of Labor and Employment (DOLE) – Cordillera.

Ayon kay DOLE-Cordillera regional director Exequiel Ronie Guzman, inimbestihagan nila ang proyekto kung saan, hindi maibigay ng mismong Chinese contractor ang mga kinakailangang dokumento kasama na ang sa kanilang mga empleyado bago sinimulan ang naturang proyekto.

Inamin aniya ng Chinese contractor na wala silang alien employment permit at wala ring naipakita na construction and safety health program.

Ang kawalan aniya ng mga nasabing dokumento ay malaking paglabag sa batas.

Nabigo din aniya ang contractor na ipakita ang kanyang corresponding pick-up license o ng special license ng mga foreign companies na nakikipagkontrata sa Department of Public Works and Highways.

Ipinatitiyak naman ni Guzman na kung hindi magsusumite at susunod ang Chinese contractor at mga empleyado nito mula China sa mga karampatang dokumento ay isusumbong nila ang mga ito sa Bureau of Immigration and Deportation para sa kaukulang parusa.

Maglalabas din ang DOLE-Cordillera ng stoppage order sa nasabing proyekto dahil sa nasabing isyu.

Nakasaad sa batas na mamumulta ng P20,000 kada taon ang bawat dayuhang nagtatrabaho at contractor dito sa bansa na walang alien employment permit.

Nabatid na aabot sa 60 Chinese nationals ang nagtatrabaho ngayon sa nasabing proyekto, na kauna-unaahang flagship infrastructure project ng Duterte Administration na popondohan ng China.

Magsasagawa ng hearing ang DOLE-Cordillera sa susunod na linggo ukol sa nasabing isyu.