-- Advertisements --

CEBU – Kontrolado ang sitwasyon, ngunit dapat parating nakahanda ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) o lahat ng mga Filipino sa bansang Ukraine.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Mariz Lagunoy Besas, Bombo International Correspondent sa Kiev City, Ukraine, sinabi nito na sa ngayon ay wala naman silang problema at tanging sa border lang ng bansa at Russia ang may naitalang tensyon.

Ngunit, ayon kay Besas, nakikita nila ang maraming mga sundalo at kapulisan na naka-deploy sa mga kalsada na siyang mahigpit na nagsagawa ng inspeksyon sa mga sasakyan na labas-masok sa lugar.

Inamin rin nito na kabado pa rin sila sa ngayon dahil diumano’y hindi nila alam ang mga susunod na mangyayari, lalong-lalo na’t sumali na sa tensyon ang ibang bansa na kaalyado ng Ukraine.

Gayunpaman, siniguro ni Besas na ‘stable’ ang kanilang komunikasyon sa Consulate General ng Pilipinas sa Ukraine, at palagi silang pinaalalahanan na maging handa sa anumang mangyari, palagiin ang pag-monitor sa mga balita, at iwasan na muna ang paglabas kung hindi naman importante ang kanilang lakad, ngunit pwede naman silang makabili lalong-lalo na sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.